Friday, January 14, 2022

Buhay Pandemia: Isolation

 Tinamaan rin ng lintek.


Nasa acceptance phase na ako. Di tulad nung Day 0, nung nakuha ko yun results ng RT PCR. Disbelief. Anger.


Ang daming tumatakbo sa isip ko, kasabay na rin ng mga dapat ko pang gawin ngayon na confirmed na ang pagka-positibo ko sa Covid.


Galit ako at nakapasok sa aming household ang Covid. 


Day -6 nung nabasa ko ang text ni bagong kasambahay 1. 4pm ko na nabasa, 1pm niya pinadala. Busy kasi ako sa WFH meeting ko. Nanlamig ako. May sintomas na raw siya nung umaga pa (sore throat). Binale-wala na niya muna. Kaso nag-chills at nilagnat na nung mga 11am. Kaya nakapahinga na siya.


Dali-dali kong sinabihan si kasambahay 2 na ayusin namin ang kanyang isolation room. Swerte ako na may hiwalay na unit, na may sariling CR at kwarto. Dun muna siya. Si kasambahay 2 muna ang magdadala ng mga pagkain niya. 


Nun pa lang gusto ko ng magalit kay Kasambahay 1. Bakit hindi kasi nag-iingat? Bago kasi! 


At binantayan namin lahat kung may naramdaman na kami.


Day -4 nung nalaman na namin na confirmed na positive siya for COVID. Tinawagan ko ang Barangay. Kaso sa susunod pa na araw siya pwedeng dalhin sa Quarantine Facility. Kailangan nakatutok na lang si Kasambahay 2 kay Nanay (na matanda na at Cancer and Stroke survivor). Ako na lang ang maghahatid ng pagkain ni Kasambahay 1 habang nasa isolation siya.


Ang buong akala ko, kaya kong protektahan ang sarili ko kahit ako ang humaharap sa kanya. Naka PPE pa ako, face mask pag pupunta sa kanya dala ang pagkain. Hinuhugasan ko agad ang kanyang mga pinagkainan. Puspusan ang pag-alcohol ko. Mula Day-3 hanggang Day -2, ako ang nag-aalaga kay Kasambahay 1.


Si Driver, lumabas na rin ng sintomas. Umuwi na siya sa kanila upang mag-isolate. Nahawa siguro dahil siya ang naghatid kay Kasamabahay 1 nung drive-thru RT PCR.


Day -1 nakapagtest na kami, home service. Lahat kami, walang nararamdaman. Baka naman hindi kami natamaan. Baka naman maayos ang aming mga safety protocols.


Day 0 Lumabas ang mga test. Ako lang ang nagpositive. Si Nanay, Kasambahay 2, Ate ko at bayaw ko. Ako lang. 


Saan ako nagkamali? Bakit ako nalusutan ng lintek na Covid? Buti pa si Kasambahay 2, hindi nadapuan. Mas mahusay siya sa pag-iingat? 


Ang sama ng loob ko. Naka-diet pa naman ako, simula pa lang nung Day -1. Gumamit ng Food Service Delivery. At ayan pa ang kalakip ng mensahe araw-araw. Nagkatotoo tuloy. Bwiset.



Naglipas rin ang sama ng loob. May bakas ng panghinayang pag-naalala kung ano ang mga ginawa at hindi ginawa. Ngunit hindi ko dapat sisihin ang sarili. Walang maitutulong. Ang malaking tulong ang na nailabas ko lahat kay c3, na nakinig lamang sa mga hinaing ko.


Ngayon, tuloy pa rin ang trabaho. Pero inabisuhan na magpahinga. Wag pwersahin ang sarili kahit walang sintomas. 


At nag-come out ako as CovPos (term ba yun? hehehe). Minabuti kong aminin at ipakita na wala naman dapat ikahiya ang pagkaroon ng Covid, may sintomas man o wala.


Akala ko madaraanan ko etong pandemic na hindi nakakaranas ng Covid. Hindi pala. 

No comments: