Tuesday, August 14, 2012

Carlito 18, Emily 9, Paolo 12

Tahimik ang biyahe papuntang airport.  Parehong maraming inisip.  Minamabuti ni Lucas na huwag na rin magsalita masyado.  Alam niyang napakalaking pasabog ang inilabas niya kagabi.  At hanggang ngayon, di pa rin siya makapaniwala na kalmado pa rin si Carlito.  Hindi pa rin siya sumasabog.  Siguro, nagbago na rin si Carlito.  O kaya, mas naintidihan niya ang hirap na parating sa buhay niya.  Kung ano man yun, ang laki pa ring pasasalamat ni Lucas sa mahinahong reaksyon ng kanyang mahal.

'Mahal'.  'Minamahal'.  Ngayon na lang niya muli na-isip muli ang salitang iyon.  At ngayon niya lang naramdaman muli ang pagmamahal kay Carlito.

Tumakbo ang utak niya kay Emily.  At kung kailan kaya tatawag, kailan maniningil.  Nakahinga pa rin siya ng malalim dahil hindi hiningi ni Emily ang pagpapakasal.  Ngunit ang kapalit naman ay hawak ni Emily ang alas tungkol sa kanyang pagkatao.  Galit muli ang nananaig sa kanyang puso.

Pagdating nila sa Departures, tinulungan niya si Carlito sa gamit hanggang maayos na sa trolley.  Tahimik pa rin si Carlito.  Ngunit inunhan niya ng mahigpit na yakap at binulungan "I'm sorry for this, Babe.  I promise to solve all of this.  Please don't worry."  Tumungo lang si Carlito, wala pa ring imik.  At tuluyan ng pumasok sa loob ng airport.

Nakauwi na si Lucas at nagbihis upang pumasok sa trabaho.  Mabagal pa rin ang kilos.  Matamlay.  Ngunit nabunutan na ng isang tinik, ang tinik na pagtatago na kanyang nakaraan kay Emily.  Hindi pa rin maalis ang kaba sa dibdib tungkol sa mga banta ni Emily.   Pero kailangan pumasok, kailangang kumayod.

Nakarating na siya sa opisina ng kliyente ng napansin niya ang mga laman na messages ng cell phone.  May message mula kay Carlito na nakarating na siya ng Maynila.  Nandun rin ang mga report ng ilang ahente niya.  At sa huli, isang mensahe mula kay Paolo.

"Kua mis u po" Tinignan niya ang oras ng padala.  Kagabi pa pala.  Napa-isip siya tungkol sa bata.  At bumalik sa pag-iisip si Carlito.  'Mahal talaga ako ni Carlito.  Hindi niya ako pinabayaan sa problema ko.'

Nagpasiya si Lucas na baguhin ang takbo ng buhay.   Tama na ang kalokohan.  Tama na ang kakatihan.  Pinangako sa sariling magiging matuwid na ang lahat.  At mag-uumpisa ang lahat kay Paolo.   Kailangan na niyang bitawan ang bata.

Nakapasok na sa boarding si Carlito.  Dun pa lang bumalik sa isipan ang mga pangyayari.  Kahit ang paalam ni Lucas sa kanya ay hindi na niya maalala.   Parang namanhid ang kalooban niya.   Binalikan ang mga narinig at nalaman tungkol kay Emily.

'Kay Lucas kaya yun?  Kaya niya kayang ituloy ang banta na ibuko si Lucas sa opisina?  Sino nga ba ang babaeng eto?  Sustento lang ba ang gusto niyang makuha?  Wala bang ibang motibo?  Ang dami niyang katanungan.  At naalala niya na hawak na niya ang cell phone number ni Emily.

Tinawagan niya si Emily.  Hindi sinasagot ang telepono.  Baka tulog pa.  O di kaya, hindi talaga sumasagot ng tawag na di kilala.

Nagpadala siya ng text "helo emily. si carl eto, bf ni lucas. gus2 ko usap tyo."

Mga ilang sandali rin ang dumaan bago nakatanggap ng text si Carlito.

"y? wat wil we tok bout?"

"can i kol?"

"k"

Tinawagan na niya muli ang number.  At sumagot na rin si Emily.

"Hello Emily.  Ako si Carlito."

Pinutol siya ni Emily. "Alam ko.  Bakit mo akong gustong kausapin?"

"Kinuwento sa akin ni Lucas ang lahat."

"Ah, open na pala siya sa iyo?  So alam mo nang nagdadalang-tao ako at kanya ang baby na eto."

"Yes, binanggit niya.  Hindi niya alam na tinawagan kita."

"So anong point mo?" Nabigla ng bahagya si Carlito sa kaprankahan ni Emily.

"Hindi mo ako kailangan tarayan." umiinit na rin ang ulo ni Carlito.

"So what's the point?  Anong gusto mong mangyari?"

"Ang dami kong hindi alam.  Ano bang naging relasyon niyo?"

"Pinagsabay niya tayo.  Ikaw nasa Manila, ako dito.  Ako nabuntis. Simple lang.  Kailangan niyang sustentuhan ang batang eto.  Wag niyo na akong idadamay sa drama niyo, ok?"

Binaba ni Emily ang telepono.  Natulala na naman si Carlito.  Galit.  Naiinis.  Napipikon.  Buti na lang at nagtawag na ng mga pasahero upang mag-board ng eroplano.

Di siya makatulog kahit saglit man sa eroplano.  At bigla niyang naalala ang isa pang pangalan - Paolo. Nabasa niya ang ilang text.  Kuya ang tawag kay Lucas.  Bakit nga ba pamilyar ang pangalang Paolo? At dun niya naalala ang isang missent message ni Lucas, sa isang "Pao".

Pucha!  Eto nga yung Pao na yun!  At pinalabas pa niya na inaanak niya?  Fucking Shit.  Naluha na siya sa inis.  'I feel so fucking stupid.'  Ngunit di niya magawang umiyak ng husto sa loob ng eroplano. Gusto niyang bumalik ng Cebu upang suntukin, sipain, sikmurain si Lucas.

'Ginawa niya akong tatanga-tanga.  Lahat ginawa ko para sa kanya.  Ang dami kong plano para sa amin.  Fuck talaga.' paulit-ulit tumatakbo sa isipan niya ang ginawa sa kanya ni Lucas.  Lintik lang ang walang ganti, sabi nga ng Nanay niya.



No comments: