Monday, May 14, 2012

Emily 1

Nagising siya sa ibang kama. Mainit na at maliwanag. Panaginip pa ba eto? At ng tinignan niya ang paligid, mas lalo siyang nagtaka. Hindi niya alam kung nasaan siya.

Hindi naman ganito ang kwarto niya dito sa Cebu. Nakaninong kwarto siya? Maayos naman ang silid. At sa isang door handle nakasabit ang kanyang barong na nakahanger. Pinansin niya ang sarili. Nakapantalon pa naman siya at undershirt.

Biglang bumukas ang pinto at pumasok ang may-ari ng silid.

"Good morning, Sir!" ang magandang bati sa kanya ng may-ari, nakadamit pambahay, at mukhang galing rin sa pagkatulog.

"Sobrang lasing ka gyud." umupo sa tabi niya. "Ginawan kita ng kape at breakfast, nasa baba."

"Ah. Salamat. Nasan ba yung CR?" tanong niya sa kausap.

"Nasa baba." inisip niyang mamaya na lang umihi pagnakababa na siya. Tumayo siya mula sa pagkakahiga. Kinapa niya ang kanyang cellphone at wallet sa pantalon. Nandun pa naman. Binasa ang laman ng cellphone. "10 missed calls. Babe" At ang huling text: "NASAN K N B? BAKIT D K TXT? 443am" Shit. Lagot ako.

Nagmadali siyang nagbihis. At napansin niyang wala ang susi ng kotse. Tinanong niya ang kausap "Yung kotse ko..?"

"Nasa labas, Sir. Yung susi nadun oh." sabay turo ng labi sa aparador. Nakahinga siya ng malalim.

"Sorry, di na ako mag-aalmusal ha? Kailangan kong bumalik sa bahay. Saan ba etong place mo?"

"Sa Mandaue, malapit lang sa inyo, Sir. Lasing ka kasi kaya si Andrew na lang nagdrive ng sasakyan mo papunta dito."

"Ah ok. Sige, daghang salamat, Emily. Mauuna na ako."

"Yes, Sir. Dito daan palabas."

At nagmamadali siyang lumabas ng bahay. Nasilaw siya sa liwanag sa kalye at naalala niyang alas-onse y media na nga pala. Umaaalingasaw ang init sa loob ng kanyang sasakyan nung pumasok siya.

Habang pabalik ng kanyang inuupahan, dun niya pinagtagpi-tagpi ang mga naalalala pa niyang nangyari nung gabing iyon.

"Friday night, Boss, inuman raw mamaya." niyaya siya ni Bong, ang pinaka-senior niyang ahente sa Cebu. Tubong-Maynila ngunit nung na-assign dito sa Cebu, nakapag-asawa ng Cebuana at dito na namalagi.

"Sige, sama ako. Habol ako. Work-out lang ako muna."

"Sige, boss, text ko sa iyo kung saan. Malapit lang, baka sa Lahug." sagot ni Bong. "At boss, kasama si Emily" sinabing may kasabay na kindat. "Panalo, boss!"

Hay. Ang buhay ng isang kloseta. Single. Hindi makatanggi sa mga yayaan ng pagsasama. Nag-aagaw ang damdamin niya tungkol dito. Oo at nalulungkot siya dito sa Cebu. May higit tatlong buwan na at naninibago pa rin siya. Mahalaga sa kanya ang malibang. At magandang nakikilala naman niya ng husto ang kanyang mga ahente. Mahalaga ang bonding para maganda ang performance nila bilang isang team.

Sa kabilang dako naman, siyempre ang usapan ay usapang straight. Nandiyan ang basketball. Nandiyan ang mga girlfriend o boyfriend. Kung puro lalaki naman ang kasama, ang pagbababae naman. At ang pinakamatindi, ang tanong tungkol sa girlfriend.

Dati, naiiwasan niyang sumagot ng mga tanong na iyan. Ngunit habang tumatagal at tumatanda siya, alam niyang hindi na niya tuluyang maisasantabi ang kuro-kuro. Ayaw naman niyang magsinungalin at maglikha ng isang girlfriend na nasa abroad. Mas malaking perwisyo yan. Mas maraming mauusisa. Kung magka-girlfriend kaya ako?

Wala pa man siya sa Cebu ay nababalitaan na niya si Emily, isa sa mga pinakamagaling na ahente dito. Ngunit mas pinag-uusapan ang kanyang kaseksihan. Crush ng mga lalaki sa kumpanya, mula Aparri hanggang Jolo. Parang model ang katawan at tindig. Balingkinitan. Ang labi, mala-Angelina Jolie. Mapungay ang mata. At kung makapagbihis, miniskirt kung miniskirt. At kasama yun sa mga dahilan kung bakit quota lagi.

May anak sa pagkadalaga. Nasa Tacloban raw. Maraming nanliligaw, ngunit mapili at pihikan. Sabagay, may karapatan.

Bulong sa kanya ni Bong nung bago pa siya "Hanep si Emily, no? Kung wala lang si Misis dito. HAHAHA!" Madadama ang pagnanasa sa tono. Ang lakas talaga ng dating ni Emily. Kahit siya ay napapahanga at naiintriga.

Maaga pa lang ay marami ng nainom ang grupo niya. Anim ang hinahawakan niyang mga tao sa Visayas. Nandito ang mga taga Iloilo at Bacolod kaya kumpleto ang tropa. Mukha namang maganda na ang samahan. Masaya. Tawanan. Tuksuhan. At kahit minsan ay nagbi-Bisaya sila sa kuwentuhan, naiintihan na rin niya kahit kaunti.

Tumabi sa kanya si Emily. "Sir, magkwento ka." sabay titig sa kanyang mga mata. Naalangan siya nang bahagya. Ngunit dahil na rin sa tama ng beer ay hindi na niya pinansin.

"Ano naman ang kuwento ko?"

"Love life, Sir. Siguro ang dami mong girlfriend." Eto na nga ang mga tanong na ayaw niyang sagutin. Ngunit ngayon, may handa na siyang sagot lagi.

"Work muna. Dati mayroon. Pero ngayon, work muna."

"Ah. Sayang naman sir. Kung all work and no play. Makes Sir Luc a dull boy. Dapat may kaunting play." Nakadama siya ng kakaibang pakiramdam. Ayaw man niyang isipin ngunit nararamdaman niyang lumalandi na sa kanya si Emily.

"Di ko naman sinabing walang play. I just don't have a girlfriend right now."

"Boss, may lumot na yang San Mig mo! I-straight mo na yan!" sigaw ni Claro, yung mestisong hilaw mula sa Bacolod. Ang ganda ng timing. Makaka-iwas siya kay Emily.

"Oh cheers! Sa pagquota natin! Para mai-ahon natin uli ang Visayas!" sigaw niya sa tropa.

Nang maupo siya. Napansin niyang pinatong ni Emily ang kamay sa kanyang hita. Pucha, sa loob-loob niya, mukhang gustong makipaglaro nitong isang eto. Kaya ko kaya? Kaya ko ba ang makipag-sex sa isang babae? Titigasan kaya ako? mga tanong sa kanyang isipan.

Pero, tao ko si Emily. Bawal sa kumpanya. Matatanggal ako. Ngunit ang boses na eto ay unti-unting nalulunod sa beer. At lumalakas ang loob niyang makipaglaro na rin. Masubukan lang.

Sa ilalim ng mesa, pinatong na rin niya ang kamay niya sa hita ni Emily. Sa makinis na hita. Ibang-iba sa hita ni Carlito na mabuhok. Pinisil ng kaunti. At dahil naka-miniskirt si Emily. Unti-unti niyang inaakyat ang kanyang kamay.

Biglang kinuha ni Emily ang kanyang kamay na hindi nagpapahalata sa mga kasama. Binaba at nilagay sa tuhod. At dun nagsimula ang kanilang holding hands.

Biglang tumunog ang cellphone. Si Carlito tumatawag. Shit, nakalimutan niyang magpaalam. Sinagot ang tawag, lumayo sa mga kasama upang di marinig ang usapan.

"Hello? Luc? Hello? Bakit ang ingay?"

"Hey Babe! Sorry nasa inuman kami."

"Sinong kasama mo? Why didn't you tell me?"

"Sorry Babe. Nagkayayaan lang. It happened too fast."

"Happened too fast? Ano yan, aksidente? I've been waiting kanina pa." galit na ang tono ni Carlito. "Until what time kayo?"

"I don't know Babe. Nagkakasiyahan pa. Basta I'll call you when I get home, okay? Love you, Babe."

"You better call me. At huwag kang magpakalasing dyan. You are driving."

"Yes, Babe. Call you later."

Bumalik sa mesa ng mga kasama. Tinabihan uli si Emily. Kinindatan siya ni Bong. Parang nakahalata na ata. Kinuha niya ang kamay ni Emily sa ilalim ng mesa. At nagpatuloy ang pag-inom ng pag-inom.

At hanggang dun na lang ang naalala niya.


- Posted using BlogPress from my iPad

1 comment:

Anonymous said...

where is the part 2? I wanna read more about Emily